its His blog

glory, faith, trust, hope, redemption

Kalungkutan

Nariyan lang, minsan dulot ng iba’t ibang sitwasyon, kakulangan, o minsan ay sadyang walang dahilan. Maraming tao ang naghahangad na maging masaya o di kaya ay pinipilt na itago ang lungkot, ang iba ay hinahanap ito sa mga pangyayari tulad ng pagdalo sa mga party, pag inom o paggamit ng droga. Ngunit kapag mag isa na lang, bumabalik lang ang lungkot, tila dinadalaw ng isang pamilyar na kaibigan na hindi mo nais pang makita o maranasan.

Bakit ka nalulungkot? Bakit may lungkot kahit hindi mo gusto? Bakit may lungkot kahit walang dahilan o kahit lahat ay nasa akin na? Kayamanan o pera nga ba ang tunay na makakapag pasaya? Ngunit bakit ang mga sikat na artista ay dumadaing na kulang pa at hindi ako masaya.

Ang puso ay sadyang may itinatagong kalungkutan… marahil dala ng mga bagay na pinagsisihan o mga pagkakamaling nagawa, marahil dala ng mga iniisip mong kakulangan sa buhay, marahil dahil sa mga taong nakasakit sa iyo at hindi mo mapatawad. Iba ibang dahilan ngunit mayroon nga bang solusyon para sa lungkot na aking nadarama?

Nasaan ang tunay na kaligayahan? Ito ba ay nararanasan lamang ng mga sikat? Ng mga mayayaman? O ng mga may lovelife? Nais kong maging masaya kahit ako ay mag isa. Nais kong maging ganap ang ligaya. Ito rin ba ang ninanais ng Diyos para sa akin? Ako ba ay nakikilala Nya sa panahon ng kalungkutan? Siya na may likha sa akin, napapansin kaya Nya ang bigat na nadarama?

Ang iyong mga tanong ay minsan ko ring naging katanungan at una kong nahanap ang kasagutan sa pamamagitan ng aking paglapit sa Panginoong Hesus, sinubukan kong magbasa ng bibliya, manalangin nang buong puso upang mahanap ang napaka ilap na ligaya na akala ko ay hindi na matatagpuan pa.

At ako ay nagtagumpay laban sa lungkot na dala ng aking mga pagkakamali, ng aking mga kabiguan, ng aking sirang relasyon sa aking kapwa. Ang lahat ng aking lungkot ay kasama pala sa pinasan ni Hesus sa krus ng kalbaryo, ito rin pala ay kasama sa mga pinagbayaran, kalungkutan na dala ng kasalanan ng mga tao sa akin at dala ko mismo sa aking sarili dahil ako ay makasalanan.

Nais mo bang maging masaya? Huwag mo na sana itong hanapin sa mga kalayawan o pansamantalang saya na lilipas din. Ang sagot sa iyong kalungkutan ay ang ligaya na dulot ng iyong pagkilala sa Panginoong Hesus at ng iyong panibagong buhay na malaya sa kalungkutan at pagdurusa na dulot ng kasalanan.

Leave a comment »

Pasado ka ba?

Ang iyong test o exam ay one to one hundred, kailangan mong maka 75 o 65 para makapasa. Pasado ka ba?

Mabuti at may itinakdang grado upang makapasa, mabuti at may awa upang masabing ikaw ay pasang awa. Mabuti at hindi naghahangad ng 100 o perpektong grado ang iyong guro. Dahil konting pagsusumikap ikaw ay makakapasa at makaka graduate sa takdang panahon.

Ngunit pagdating sa Diyos, pasado ka ba? Ayon sa Bibliya, ang Diyos ay banal at perpekto at ang mga taong dapat na lumapit sa kanya ay dapat na may kabanalan ding taglay ngunit sa iyong sarili alam mong ikaw ay nandaya, nagsinungaling, nanghusga o nakipag -away. Ang tanong pasado ka bang sa gradong 100 na itinakda. One hundred ang requirement, walang pasang awa dahil ang hindi makakapasa ay magdaranas ng galit at poot ng Diyos na banal at makatarungan. Galit at poot para sa mga makasalanan, kaparusahan para sa mga taong hindi nakakabot sa perpektong grado.

Kung ganun, paano ka makakapasa? Hindi 99% kundi 100% na grado upang tanggapin sa langit.

Gagamitin ko ba ang aking talino upang makaabot sa itinakdang grado? Magagamit ba ang kayamanan upang makabili ng perpektong score? ng perpektong kabanalan? Ang katotohanan ay wala sa ating mga kamay ang kaligtasan, ang maging perpekto sa paningin ng Diyos ay nakasalalay sa kanyang pagtingin sa kanyang Anak na si Hesus. Sinasabi sa Bibliya, “Hindi nagkasala si Cristo, ngunit dahil sa atin, Siya’y ibinilang na makasalanan upang sa pakikipag-isa natin sa Kanya ay maging matuwid tayo sa harap ng Diyos.”(2Corinto 5:21).

Ayon sa Leviticus 22:21, upang tanggapin ang alay na magbabayad sa kasalanan ng mga tao, KAILANGAN ITONG MAGING PERPEKTO at sa ating panahon ngayon, tanging ang pag-aalay ng dugo ng perpektong Diyos na si Hesus ang karapat dapat sa paningin ng Diyos upang tayo ay mapatawad ng Diyos Ama. Kapag dumating ang araw ng pagsusulit na tinatawag ding kamatayan, 100% ang hihingin na score sa atin at ito ay makakamit lamang sa pamamagitan ng isandaang porsyentong pagtitiwala na si Hesus lamang ang tanging tagapagligtas na nagbayad ng ating mga kasalanan at wala ka nang ititira pang pagtitiwala na kaya mong iligtas ang iyong sarili sa paggawa ng mabuti.

Kaibigan, inaanyayahan kita upang i-eksamin ang iyong sarili at kung makita mong ikaw ay hindi nakapasa, HUWAG MAWALAN NG PAG-ASA SAPAGKAT SI HESUS AY NAGHIHINTAY UPANG ILIGTAS KA. Siya na namatay, inilibing at sa ikatlong araw ay nabuhay ang perpektong alay sa ating mga kasalanan. MAGTIWALA KA SA KANYA AT HINDI SA IYONG SARILI UPANG MAKAPASA SA PANINGIN NG DIYOS.

Leave a comment »

PANSIN MO BA AKO?

Gaano ako kahalaga? Ano ang halagang aking buhay? Nais kong makilala…nais kong magmahal at mahalin….nais kong tanggapin ng buo at walang paghuhusga.

Sa panahon ngayon, marami sa atin ang naghahanap ng taong magbibigay ng halaga sa kanilang buhay, marami sa atin ang naghahangad na mapansin, purihin o tanggapin ng buo at walang pag-aalinlangan. May mga tao na gagawin ang lahat upang matanggap, iinom ng gluta, gagamit ng papaya, uunatin ang kulot na buhok, maglalagay ng pekeng pilik-mata, magpapaka gutom upang maging kasing hugis ng hinahangaang idolo, makikisama sa barkada, itataya ang paninindigan upang kunin ang panibagong paniniwala na hindi naman kayang panindigan.

Ngunit kadalasan ang paglalakbay tungo sa paghahanap na halaga ay nagiging mahaba at nakakapagod na lakbayin. Nauuwi tayo sa sakit at kabiguan. Tunay nga na ang paghahanap ng sariling halaga ay nakakapagod, nakaka frustrate.

Saan nga ba ito matatagpuan? Kung wala ito sa sarili, ito ba ay nasa iba? Nasa pamilya o kaibigan? Sa panahon ngayon, pataas ng pataas ang bilang ng mga kumukha ng sariling buhay. Kanya kanyang dahilan ngunit isa na rito ay ang kawalan ng halaga o mababang pagtingin sa sarili.

o maaari kayang ang iba ay gaya ng aking kaibigan, Ipinanganak na may kasamang rejection at puno ng insecurity sapagkat nadama ang hindi pagtanggap sa sinapupunan pa lang ng kanyang ina o maaaring nakatanggap ka ng masasakit na salita patungkol sa iyong pisikal na kaanyuan o katayuan sa buhay. Masakit ang hindi tanggapin sa iyong pamilya o lipunan na iyong kinabibilangan. Para itong patalim na sumusugat sa iyong pagkatao kung saan maraming pagkakamali ang maaaring magsimula rito.

Sa Bibliya, mayroon ding isang tao na nakaranas ng karanasan mo, He was despised and rejected by men, a man of sorrows…….Naranasan Nya ang hindi paniwalaan ng sariling pamilya, ang pagdudahan ang kakayahan ng mga tao sa kanyang paligid, ang mapuno ng sakit at paghuhusga, ituring na kriminal, parusahan at hatulan ng kamatayan.

Kaibigan, kung nais mo ng pagtanggap, huwag itong hanapin sa iyong sarili o sa iyong pamilya o sa mga materyal na bagay. Lumapit ka kay Hesus sapagkat Siya ang tanging nakakaalam ng lahat ng iyong pagkukulang, pagkakamali, mga itinatagong lihim o kasalanan. Siya ay Diyos na naranasan din ang lahat ng naranasan mo…..

Leave a comment »